Nasa ikalawang taon na ako ng hayskul ng makiuso ako noon
gamit ang Friendster. May katagalan din ng maenganyo akong sumali sa mga ganito
dahil hindi ako palakaibigan. Dagdag pa rito ang kawalan ko ng interes sa mga
naglalabasang gadgets tulad ng cellphone at computer. Napasali ako sa
Friendster dahil sa aming Computer class. Kanya-kanyang gimik sa pagpapaganda
ng aming profile pages ang isa sa mga pinakainaatupag tuwing nakakagamit kami
ng computer at natatandaan ko pa nga ang araw-araw na paghingi ng “testimonials”
ng aking mga kaklase at minsan ng aming mga guro.
Hindi kalaunan ay nagkaroon na ng Facebook, Twitter, Plurk,
Tumblr, at marami pang iba. Tunay na ngang nabuo ang konspeto ng “social media”
sa tulong ng mabilis na Internet at mga gadgets na nakikisabay na rin sa uso.
Kung kaya hindi na nakakapagtaka kung bakit may mga taong nabubuhay na rin
dahil sa social media. Sa katunayan, ang Facebook ang isa sa mga pangangailangan
ng mga estudyante dahil sa mga group pages kung saan nakapaskil an gaming mga gawain
sa iba’t ibang klase. Dito na rin kasi kami nagagawang ma-update ng aming mga
propesor.
Sa tulong na binibigay sa akin ng social media, naging
malaking parte na ito ng aking pang-araw-araw na gawain. Bukod sa mga
pang-akademikong gawain na nagiging dahilan ko para maging “updated”, nahiligan
ko na rin ang paggamit ng social media para makibalita sa samu’t saring mga
bagay na tiyak kong ginagawa rin naman ng karamihan at patunay nito ay ang mga “trending”
at “viral” posts sa social media. Sa kaso ko, ang pagpapalit ko ng “relationship
status” mula “Single” to “In a relationship” ang pinakaviral at trending ko na
post sa kasalukuyan. Kamakailan lang din
ng maging sikat itong post ko sa Facebook at masasabi kong ito ang pinaksikat
sa mga pinost ko sa Facebook dahil humigit-kumulang dalawang daang “likes” ang
nakuha ko sa post na ito. Kapansin-pansin din ang dami ng komento na mayroon
ang post na ito. Sa pagpansin na ginagawa sa aking relationship status,
napaisip ako sa kung ano nga ba ang “trending” o kaya naman papatok sa mundo ng
social media. Lahat kasi ng makikita mo ngayon sa social media ay base sa
pang-araw-araw na kaganapan ng bawat tao. Iba’t ibang kuwento ang iyong
masasaksihan na sila rin namang maaring makapagbigay ng samu’t saring emosyon
na naipaparamdam mo na lang gamit ang pag-“like”, “favorite” o kaya naman “comment”.
Ang limitado paraang binigay ng Facebook para maipakita ang kasalukuyang mong
nararamdaman o pagpapakita ng “pakialam” sa nakita mo sa iyong “News Feed” ang siya
ring nagdidikta sa kung ano ang sikat at uso.
Ang pagpapalit ng relationship status ay ang isa lang sa mga
paraan para makapukaw ng atensyon. Sa kaso ko, bago at “latest” ang pagkakaroon
ko ng boyfriend. Sa kung anumang dahilan kung bakit ito pumatok, isang
pagpapatunay ito kung gaano kaimpluwensiya ang social media.
Sa lakas ng impluwensiya ng social media ngayon, ang kahit
na anong ibahagi mo sa social media ay tiyak na mapapansin. Pangit man yan o
maganda, may halong drama o tiyak na pagpapansin lang, pagpapakita ng kung ano
ang uso o jologs – ang realidad ng buhay na iyong nararanasan sa pang-araw-araw
ay siya ring nagbibigay kulay, aliw at pansin sa maimpluwensiyang mundo ng
social media.
No comments:
Post a Comment