Wednesday, December 25, 2013

Panayam kay Mariz Umali ng GMA

Bilang isang Journalism graduate, pangarap ko ang maging isang kilalang mamamahayag. Hayskul pa lang ako ay gusting-gusto ko na ang ideya na nakikita at napapanuod ako sa telebisyon. Dagdag pa rito ang easy access sa mga sikat na personalidad ng bansa tulad ng ating mga politiko.

Kaya naman para sa blog na ito, pinili kong kapanayamin ang reporter ng GMA na si Mariz Umali.
Nakasalamuha ko si Mariz Umali noong ako ay namuno ng Inkblots, ang taunang campus journalism fellowship ng The Varsitarian na ginaganap sa UST. Ng muli ko siyang lapitan para sa blog ito, nakakatuwang isipin na kahit nakalipas na ang isang taon ay nakikilala pa rin niya ako.


Sa aming panayam, pinagusapan namin ang naging karera niya sa midya.

Kuwento ni Mariz Umali, nagsimula siya sa GMA bilang researcher at sa posisyon niya ring ito siya nakuha bilang reporter. Mabilis ang paglalarawan ni Mariz Umali sa kanyang karera bilang tv reporter. Aniya, matapos lang ang isang buwan ng siya ay magsimula bilang reporter.

Baguhan man at walang gaanong karanasan, kinuha ni Mariz Umali ang posisyon ng walang pagaalinlangan. Dito na nagsimula ang kanyang karera sa midya.

Para sa kanya, napakapalad niyang mabigyan ng ganitong oportunidad. Lumaki raw kasi siyang nahilig sa mga “Sciences” at nangangarap na maging isang doktor. Matapos ang isang taon ng pagkuha ng pre-med course sa UP ay lumipat siya sa kursong Mass Communication. Ang pagbabagong ito sa kanya ang siya ring naglapit sa isang mailap na oportunidad na hindi kalaunan ay naging malaking bahagi ng kanyang buhay.

Hindi biro - iyan ang paglalarawan niya sa buhay ng isang mamamahayag. Isang halimbawa nga niya rito ay ang kanilang busy schedule. Katunayan, ngayong Disyembre raw, sa apat na araw ng bakasyon na mayroon ngayong buwan, isa lang daw ang pwede nilang gamitin para ilaan sa kani-kanilang pamilya. Hindi man biro at puno ng sakripisyo, may mga magagandang bagay din namang binibigay ang kanilang mga trabaho tulad na lamang ang makasalamuha ang mga importanteng tao ng bansa at ang pagpunta sa iba't ibang lugar sa buong mundo ngunit para sa trabaho nga lang. 

Kung popularidad bilang isang mamamahayag lang ang paguusapan, para kay Mariz Umali, ang maging parte ng midya ay isang paraan para mapalapit niya ang kapwa niya Pilipino sa pang-araw-araw na pangyayari sa kanilang bayan. Aniya, sa bawat pagbabalita na kanilang ginagawa ay nagagawa rin niyang mabigyang-pansin ang iba’t ibang isyu ng bansa tulad na lamang ng isyu sa pork barrel. 


Itinuturing mang sikat dahil sa kanyang trabaho na tinitingala dahil sa perspektibong ito ay glamoroso, para kay Mariz Umali ang pagiging isang mamamahayag ay higit pa sa kung ano ang nakikita at napapanuod ng mga tao sa telebisyon. 

Sa kasalukuyan, mahigit sa isang dekada ng mamamahayag si Mariz Umali sa GMA. Sa lawak at dami na ng kaniyang mga naranasan at natutunan sa mundo ng midya, isang inspirasyon ng maituturing si Mariz Umali sa mga tulad kong nangangarap ding maging isang mamamahayag na magsisilbi para sa bayan. 

Kuha matapos ang aking panayam kay Mariz Umali noong Lunes, Dis. 23, 2013. 




“In a Relationship” - Ang latest at trending post sa aking Facebook

Nasa ikalawang taon na ako ng hayskul ng makiuso ako noon gamit ang Friendster. May katagalan din ng maenganyo akong sumali sa mga ganito dahil hindi ako palakaibigan. Dagdag pa rito ang kawalan ko ng interes sa mga naglalabasang gadgets tulad ng cellphone at computer. Napasali ako sa Friendster dahil sa aming Computer class. Kanya-kanyang gimik sa pagpapaganda ng aming profile pages ang isa sa mga pinakainaatupag tuwing nakakagamit kami ng computer at natatandaan ko pa nga ang araw-araw na paghingi ng “testimonials” ng aking mga kaklase at minsan ng aming mga guro.

Hindi kalaunan ay nagkaroon na ng Facebook, Twitter, Plurk, Tumblr, at marami pang iba. Tunay na ngang nabuo ang konspeto ng “social media” sa tulong ng mabilis na Internet at mga gadgets na nakikisabay na rin sa uso. Kung kaya hindi na nakakapagtaka kung bakit may mga taong nabubuhay na rin dahil sa social media. Sa katunayan, ang Facebook ang isa sa mga pangangailangan ng mga estudyante dahil sa mga group pages kung saan nakapaskil an gaming mga gawain sa iba’t ibang klase. Dito na rin kasi kami nagagawang ma-update ng aming mga propesor.

Sa tulong na binibigay sa akin ng social media, naging malaking parte na ito ng aking pang-araw-araw na gawain. Bukod sa mga pang-akademikong gawain na nagiging dahilan ko para maging “updated”, nahiligan ko na rin ang paggamit ng social media para makibalita sa samu’t saring mga bagay na tiyak kong ginagawa rin naman ng karamihan at patunay nito ay ang mga “trending” at “viral” posts sa social media. Sa kaso ko, ang pagpapalit ko ng “relationship status” mula “Single” to “In a relationship” ang pinakaviral at trending ko na post sa kasalukuyan.  Kamakailan lang din ng maging sikat itong post ko sa Facebook at masasabi kong ito ang pinaksikat sa mga pinost ko sa Facebook dahil humigit-kumulang dalawang daang “likes” ang nakuha ko sa post na ito. Kapansin-pansin din ang dami ng komento na mayroon ang post na ito. Sa pagpansin na ginagawa sa aking relationship status, napaisip ako sa kung ano nga ba ang “trending” o kaya naman papatok sa mundo ng social media. Lahat kasi ng makikita mo ngayon sa social media ay base sa pang-araw-araw na kaganapan ng bawat tao. Iba’t ibang kuwento ang iyong masasaksihan na sila rin namang maaring makapagbigay ng samu’t saring emosyon na naipaparamdam mo na lang gamit ang pag-“like”, “favorite” o kaya naman “comment”. Ang limitado paraang binigay ng Facebook para maipakita ang kasalukuyang mong nararamdaman o pagpapakita ng “pakialam” sa nakita mo sa iyong “News Feed” ang siya ring nagdidikta sa kung ano ang sikat at uso.


Ang pagpapalit ng relationship status ay ang isa lang sa mga paraan para makapukaw ng atensyon. Sa kaso ko, bago at “latest” ang pagkakaroon ko ng boyfriend. Sa kung anumang dahilan kung bakit ito pumatok, isang pagpapatunay ito kung gaano kaimpluwensiya ang social media.


Sa lakas ng impluwensiya ng social media ngayon, ang kahit na anong ibahagi mo sa social media ay tiyak na mapapansin. Pangit man yan o maganda, may halong drama o tiyak na pagpapansin lang, pagpapakita ng kung ano ang uso o jologs – ang realidad ng buhay na iyong nararanasan sa pang-araw-araw ay siya ring nagbibigay kulay, aliw at pansin sa maimpluwensiyang mundo ng social media.  

Friday, December 13, 2013

GGV Live: Isang Araw ng Paghihintay at Katatawanan

Bata pa lang ako, tinuruan na kami na huwag maglalagi sa panunuod ng telebisyon. Magmula Linggo ng gabi hanggang Huwebes kasi ay bawal manuod gumamit ng telebisyon maliban na lang kung ika-anim na ng gabi at manunuod na ng balita. Suwertihan na lang din kung madatanan kong nanunuod si Mama ng mga noon time shows o kaya naman ng mga teledrama sa gabi. Madalang din naman itong mangyari lalo na sa gabi at madalas ay balita pa rin ang kanilang pinanunuod bilang pampaantok.

Kaabang-abang din ang panunuod at pagbubukas ng telebisyon pagsapit ng Biyernes. Ang panonood ng mga cartoons ay napalitan ng mga Asianovela noong grade school at hayskul.

Naalala ko noong Grade 5 ako, nauso iyong palabas na Meteor Garden kung saan bida ang Taiwanese na bandang F4. Walang hapon na hindi ako humiling kay Mama na payagan akong magbukas ng telebisyon at manuod ng palabas na ito para lang abangan ang nakakakilig na mga eksensa at pagmasdan ang mga kinagigiliwan kong si Hua Ze Lei at Xi Men. Sinundan naman ito ng Koreanovelang, Lovers in Paris na pinapalabas tuwing gabi. Naalala kong tumatakas pa ako gabi-gabi para panuorin ito sa bodega namin  na noon ay may telebisyon pa. Dito rin kasi nanunuod ang Papa ko gabi-gabi noon para hindi kami maistorbo sa pagtulog. Naalala ko rin ito at may araw na nakikipasabwatan akong manuod kay Papa at nangangakong hindi mahuhuli ng gising kinabukasan.

Pagsapit ng kolehiyo, mga dinownload na mga palabas na ang aking kinahiligan na panuorin sa telebisyon. Kung kaya naman naging parang kaugalian na naming magkakapatid na gamitin ang aming weekends bilang opisyal na mga araw para mag-movie marathon at tinuring na ring family time. Bilang isang telebisyon lang din ang may cable, kung manunuod lang din kami ng telebisyon, and madalas na panuorin ay cartoons o mga palabas sa HBO, Star Movies o mga channel na may magandang pelikula. Malimit na rin kasi ang mga palabas na pupukaw sa atensyon naming magkakapatid kaya pinakamainam na ang pelikula para mapagsama-sama kami sa panunuod ng walang away at mga diskusyon.

Nabibigyan na lamang ako ng update sa mga bagong lokal na palabas sa pamamagitan ng Internet. Sa katunayan ay hindi ko pa nga makikilala si Honesto kung hindi ko ito narinig sa isa kong katrabaho. Tuwing may libreng oras kasi ay nanunuod siya ng mga palabas sa telebisyon gamit ang Internet. Sa katrabaho ko ring ito kung kaya ako nagiging updated kay Vice Ganda, nakakahawa kasi iyong malakas niyang tawa sa opisina tuwing Linggo ng gabi kung kailan ipinapalabas ang Gandang Gabi Vice (GGV).

Kailangan ng ticket na ipapa-reserve mo pa bago makanuod ng taping ng mga palabas sa ABS-CBN. 

Kapansin-pansin din naman na nakakapukaw ito ng atensyon ng karamihan dahil linggo-linggo rin itong pumapatok sa Internet - Facebook, Twitter, etc. 

Antay. Pila. Kasama naming nanuod si Sir Rowie

At ng palarin akong makapanuod ng isang live taping ng GGV, nakita ko ang dahilan sa likod ng malakas na tawa at malaking pagkatuwa ng karamihan sa palabas na ito.

Picture muna habang nag-aantay kasama sina Debbie at Liane.
Hindi kumpleto ang isang palabas kung wala ang bida. Sa GGV, nariyan na si Vice Ganda. Sa unang tingin, hindi mo aakalaing bakla pala siya. Bukod kasi sa pananamit at kilos, kapansin-pansin iyong maganda niyang katawan.

Gandang Vice! Hindi maganda ang kinalulugaran namin at bawal kumuha ng mga litrato 'pag nagro-roll ang camera kaya puro behind-the-scenes na lang. 
Ngunit higit sa kanyang pisikal na mga katangian, mas pumapaibabaw ang galing niya bilang isang komedyante. Sa humigit-kumulang na dalawang oras ng taping, kapansin-pansin ang pagiging natural ni Vice sa kanyang mga banat na biro at pagtatanong.

Nasaksihan ko ito ng mainterbyu niya ang magkakapatid na Cayetano na sina Pia, Allan at Lino na mga politiko. Sa interbyu na iyon, aasahan mo sigurong patungkol sa politika ang mapapagusapan. Napagusapan man nila ito, mas pumaibabaw pa rin ang halakhakan at dito kapansin-pansin ang personal side ng mga magkakapatid.

Bukod sa bida na nakakapukaw ng pansin, nariyan din ang staff na bumbuo ng palabas. Kakaibang hirap at pasensya ang ginugugol ng bawat isa sa kanila.

At isa sa mga pinakagigiliwan ko sa mga staff ay si Neggy na masasabi kong katuwang o sidekick ni Vice sa pagbibigay-aliw sa kanyang mga tagapanood. Bago pa lang kasi simula ang taping at sa kalagitnaan ng mga breaks, siya ang nagbibigay kasiyahan sa mga nasa studio bilang audience ng palabas. Katunayan, nakasama pa nga siyang kumanta ng kaklase kong si Liane.

Ang nakakatuwang babaita. :)

Singing moment ni Liane kasama si Neggy
Masasabi kong sulit na maituturing ang hirap at pagod na nangyayari sa likod ng camera. Nakakawala ng inip ang kakatawanan sa loob ng set.

Walang katapusang pag-aantay. 

Sa likod ng camera ay may pagpapaganda, pagaayos, atbp. kaganapan.
Sabi nga nila "Laughter is the best medicine," at sa kasong ito, katatawanan ang naging lunas sa pagkabagot, inip at pagod. 

Tunay ngang maGanda ang isang Gabi kasama si Vice.  











Never Pork-get: Unang Sabak sa Pakikibaka


Sa apat na taon na ginugol ko sa Unibersidad ng Santo Tomas bilang isang Journalism student, malimit ko na marinig ang freedom of expression na tila ba parang naging sistema na ito sa mga isinusulat ko sa aking mga asignatura.

Bilang parte ng Humanities Department, inaasahan na nasa amin ang mga mapagpahayag na mga tao sa iba't ibang paraan at para sa akin, naipamamalas ko ang freedom of expression at naipapahayag ko ang aking sarili sa pamamagitan ng pagsusulat.

May ilang beses na rin akong nayaya na sumali at dumalo sa mga rally na ginaganap sa Mendiola ngunit wala akong pinuntahan kahit isa at hindi ko pa kailanman nasubukan. Bukod sa takot ko sa matataong lugar, mas gusto ko ang maging tagamasid kaysa maging isang aktibong kalahok sa mga ganitong pangyayari. Kung kaya naman pinakamainam na paraan para sa akin ang pagsusulat.

Pinakaunang rally na aking dinaluhan ang Never Pork-get rally na ginanap sa Luneta noong Setyembre 21.
                                  
Bilang pag-alala sa Martial Law, ang rally na ito ay laban sa isa sa mga pinaguusapang isyu ng bansa, ang korupsyon dulot ng pork barrel.
                                                   
Iba't ibang grupo, organisasyon at mga personalidad ang nagbigay-kulay sa isang pagtitipon na naglalayon na maipahayag sa kasalukuyang gobyerno ang isyu ng maling paggamit sa kaban ng bayan ngayon marami pa rin ang naghihirap at nagdurusa sa bansa.  























 

Iba pala talaga ang pakiramdam na personal mong maranasan ang mga pangyayaring madalas mo lang na mabasa at marinig. Bilang ikaw ang na andoon at person na nakakakita, nakakarinig at higit sa lahat, nakakaramdam ng iba't ibang emosyon at opinyon ng mga taong nakakasalamuha mo. Pinag-uusapan nga namin ni Ate Joy, ang kasa-kasama ko noong araw na iyon, kung gaano ka-malikhain ng mga Pilipino sa pagpapahayag ng kani-kanilang mga damdamin.

Kanya-kanyang pakulo, makikita mo ang iba't ibang paraan ng pagpapahayag ng mga taong nakilahok sa Luneta noong araw na iyon.

Sa pagnanais na marinig ang kanilang mga boses at mga dinadaing na matigil ang mga maling kalakaran na namamayagpag sa gobyerno, ipinadama at ipinakita ng mga kalahok ang kani-kanilang opinyon at damdamin sa pamamagitan ng sining.

Nariyan na ang mga nauuso na statement shirts:






At ang mga agaw-pansin na obra maestra:





Sa mga nasaksihan ko, halo-halong pakiramdam ng saya, lungkot at inis ang naramdaman ko sa araw nito. Bilang nagtatrabaho na rin ako, naiintindihan ko na rin ang halaga ng buwis. May mga ilang buwan din akong nagbulag-bulagan sa mga binabawas sa aking suweldo at sa rally na ito hindi lang basta perang binawas sa suweldo mo ang pinaguusapan. Ang perang ito ay pinaghirapan at ibinibigay mo ng naayon sa batas na may hangaring may patutunguhan itong mabuti.  Napagtanto ko na hindi lang perang naibulsa ang pinakausapin dito. Nadawit na rin ang tiwala at hustisyang inaasahan mo sa isang demokratikong bansa. Nagpatong-patong na ang mga isyu ng bansa na hindi pa rin mabigyan-bigyan ng linaw.

Kailan pa kaya natin makikita ang liwanag sa madilim na kuwebang ating kinabibilangan?